"Ah, home sweet home," ani Crisnelle nang mailapat na niya ang kanyang pagal na katawan sa kanyang malambot na kama. Alas-kuwatro na ng hapon at kagagaling lamang niya sa iskuwelahan. Hindi niya alintana ang karumihan ng kanyang kuwarto. Nagkalat ang balat ng mga sitsirya, bola, ahedres, Rubik's cube at kung anu-ano pa. Maging ang mga maruruming damit ay nagkalat din. Ngunit ang kapansin-pansin sa lahat ay brief niya na nakakalat sa ibabaw ng keyboard ng kanyang kompyuter.
"Bakit naman nandito ito?" aniya nang mapansin ang kanyang panloob at bumangon upang damputin ito. "Tsk, ganito na ba ako kaburara?" Dinala niya ang panloob sa isang sulok ng kanyang kuwarto kung nasaan ang lalagyan niya ng mga maruruming damit. Kapagkuwan ay napilitan na rin siyang linisin ang mga kalat na siya rin ang may gawa.
Kung hindi siya nagkakamali, isang linggo na ang nakakaraan mula ng maglinis siya ng kanyang kuwarto. Tamad siya, iyon ang totoo. Maging sa pag-aaral ay ganoon din siya. Mas madalas sa hindi, singko ang nakukuha niyang marka. Pilitin man niyang magbago ay hindi niya magawa. Sabi nga ng matalik niyang kaibigan na si Rafael, mahirap baguhin ang isang bagay na nakasanayan na.
Kunsabagay, kahit kailan ay hindi naging problema sa kanya ang pera. Hindi niya kailangan magsipag sa pag-aaral dahil mayaman naman ang pamilyang pinagmulan niya. Nag-iisang anak lamang siya. Ang nanay niya, si Donya Katrina dela Merced, ay isang CEO ng isang sikat na kompanya sa bansa. Samantalang si Don Arnold dela Merced, ang tatay niya, ay ang may-ari naman ng isang sikat na food chain. Ano pa ba ang mahihiling ng isang tulad niya?
Pagkatapos maglinis ay agad siyang nagtungo sa banyo at naligo. Makalipas ang dalawampung minuto ay lumabas na rin siya upang magbihis.
Habang nagbibihis ay tumunog ang kanyang cellphone. "Hello?" aniya nang sagutin ang tawag. "Oy, ungas, si Rafael 'to! Birthday ni Enrico, inuman daw. Sama ka?" anang kaibigan niya.
"Paeng, di ako pwede. May gagawin kasi ako. Next time na lang," aniya labag man sa loob niya. Kung maari lamang ay gusto niyang sumama. Kailan ba siya tumanggi sa inuman? "Ngayon pa lang," sa loob-loob niya.
"Ikaw ba yan Cris? Haha! Sige, bahala ka! Ikaw rin! Kumpleto pa naman ang barkada ngayon. Sigurado ka?" anang kaibigan niya sa kabilang linya.
"Hindi talaga eh,"
"Siya, siya, siya. Bahala ka. Sige iiinom na lang kita! Babay Papa Cris! Haha!”
"Tado! Sige iinom muna lang ako," aniya at tinapos na ang tawag. Kung siya lamang ang masusunod, hindi na kailangan pang magtanong muli ni Rafael. Walang kaabug-abog na sasang-ayon siya... ngunit hindi maaari. May kailangan siyang tapusing proyekto kasama si Marion. Si Marion ay kaibigan niya at kaklase sa dalawang sabdyek niya. Kung maaari lamang ay ang kaibigan na lamang niya ang pagagawain niya ng proyektong iniatang sa kanila ng kanilang propesor ngunit nahihiya siya rito. Bukod sa pag-aaral ay may trabahong part-time ang kaibigan niya. Kung iaatang niya rito ang lahat ng gawain, ay baka mahirapan ito. Kaya wala siyang magawa kundi ang gawin ang parte niya.
Pagkatapos magbihis, ay lumabas na rin siya ng kuwarto at nagtungo sa kusina at kumain. Kapagkuwan ay nagtungo na siya sa bahay ng kaibigang si Marion gamit ang kanyang Porsche, ang kotse na iniregalo sa kanya ng kanyang ama ng minsang makakuha siya ng markang uno sa PE. Ganoon kadesperado ang magulang niya. Ibibigay ng mga ito ang nanaisin niya, basta pagsisikapan niya ang kanyang pag-aaral. Ngunit dahil sa siya ay isang dakilang tamad, hindi na siya pinagbigyang muli ng kanyang ama sa mga kapritso niya.
Matapos ang isang oras na biyahe ay narating din niya ang address na ibinigay ng kaibigan. Inihinto niya ang kotse at naghanap ng lugar kung saan maaring itong i-park. Kapagkuwan ay lumabas na siya ng kotse at hinanap ang bahay ng kanyang kaibigan. Iyon ang unang beses na nakarating siya sa lugar na iyon. Medyo maingay ang lugar. Nagkalat ang mga bata at mga lalaking nakahubad. Maya-maya pa, kung tama ang hula niya, ay nasa harapan na siya ng bahay ng kaibigan.
"Hoy, putang inang babae ka, lumabas ka riyan! Ngayon mo ilabas ang pagiging malandi mo! Akala ko bespren kita, yun pala malandi kang pokpok ka! Pati asawa kong pilay na, kinalantiri mo pa! Kung di ka ba naman isa't kalahating mahihindutin ka! Putang ina mo! Gaga ka! Lumabas ka riyan!"
Nagulat siya ng bigla na lamang may isang babaeng sumulpot sa kung saan. Nagwawala ito at panay ang duro sa katabing bahay kung saan siya nakatayo. "Oh, pokpok, lumabas ka na riyan! Bakit, nahihiya ka? Nahihiya ka malaman ng sandaigdigan na minsan sa buhay mo ay pumatol ka sa asawa kong pilay? Ha? Lumabas ka riyan! Ang mga katulad mo ay di dapat nahihiya! Tang-ina mong pokpok ka!" sigaw muli ng babae bagaman hingal na hingal na ito sa pagsasalita. Maraming tao na ang nagkukumpulan sa paligid at panay lamang ang tingin sa babaeng marahil ay nasa kuwarenta o mahigit pa ang edad.
"Tao po," aniya sabay katok sa pintuan. Hindi na niya pinapansin pa ang babaeng nagwawala. "Marion, si Cris 'to,"
Makalipas ang sampung minuto ay bumukas ang pinto. "O, Cris pasok. Pasensiya na ah, naligo kasi ako. Katatapos ko lang," anang kaibigan niyang si Marion. "Sus, wala yun. Ok lang ako," aniya at pumasok na sa loob. Bagaman maliit lamang ang bahay ay maayos naman ang pagkakaayos nito at kumpleto pa sa gamit. Iyon nga lamang, kung ikukumpara sa kuwarto niya, mas maliit pa rin ang bahay nina Marion.
"Oy, pasensiya na ah. Medyo may gulo sa kabila. May kaaway yata si Aling Tasya. Wala eh, ganoon talaga yon. Mabagsik magalit," anang kaibigan niya. "Gusto mo ba ng pagkain? Inumin?"
"Sige, wag na. Kakakain ko lang," aniya at naupo na sa sofa sa sala. "Tara umpisahan na natin yung project para maaga tayo matapos. Alas sais na eh. 'Di ba alas- nuebe ang oras ng pasok mo sa trabaho?"
"Oh, sige. Ikaw ang bahala. Sabagay, konti na lang naman na ang gagawin natin. Bale, ibubuod na lang naman natin yung na-research natin noong isang araw. Kaso mahina ako sa English kaya kailangan ko ng tulong mo," anang kaibigan at naupo na rin sa katabing sofa.
"Sige, susubukan ko... natin pala. Bakit wala yatang tao maliban sa atin?" tanong niya sa kaibigan.
"Ah, yun ba? Si Nanay nasa palengke pa, nagtitinda. Alas-diyes pa uwi non. Si Tatay naman, bukas pa ang uwi. Panggabi kasi 'yon. Construction worker,"
"Ah, ganon ba? Sige umpisahan na natin para matapos na," aniya.
"Mukang hyper ka ah. Teka, kukunin ko lang yung mga gamit sa taas," anito sabay alis.
Sa ilang minuto pa lamang na pananatili niya sa bahay ng kaibigan ay napahanga na siya rito. Bilib siya rito dahil hindi madali ang ginagawa nito. Mahirap pagsabayin ang pag-aaral at pagtratrabaho. Napakabait at masunurin talaga ng kaibigan niya. Bukod doon, ay napakasipag pa nito. Ngayon ay nagatataka na siya kung paano siya nagkaroon ng kaibigang katulad ni Marion. Sobrang magkaiba sila. "Isang tamad at isang masipag?" sa isip-isip niya. Napangiti siya sa naisip.
Makalipas ang limang minuto ay nariyan na muli ang kaibigan. "Oh, eto na! Umpisahan na natin,"
"Sige pandak, tara na at mag-umpisa!" pang-aalaska niya sa kaibigan kasabay ng malakas na paghalakhak. Totoo naman ang sinabi niya. Hindi biniyayaan ng langit si Marion ng taas na katulad ng kay Kobe Bryant at James Yap. Marahil ay tulog ito ng magsabog ng pampatangkad ang langit sa sandaigdigan. Sukat sa naisip ay muli siyang napahalakhak.
"Nagsalita ang matangkad! Oy, mataas ka lang ng three inches sa akin ano?" anito sabay halakhak. Ayaw man niyang aminin ngunit may punto ang kaibigan. Muli, ay natawa siya.
"Tama na nga. Umpisahan na natin to. May pasok pa ako." anito bagaman ngi-ngiti ngiti pa rin.
"Opo, Boss," aniya. Maya-maya pa ay tutok na tutok na silang dalawa sa ginagawa.
Muli ay pinabilib na naman si Crisnelle ng kaibigan. Hindi lang pala ito masipag kundi matalino rin. Wala pang isang oras ay tapos na sila sa gawain nila. Salamat na rin sa tulong nito.
"Naks, Marion ang galing mo ah! Akalain mo yun tapos na tayo, wala pang isang oras. Alam mo, seryoso, pwede kang maging iskolar kung wala ka lang trabaho at tutok ka sa pag-aaral." papuri niya sa kaibigan.
"Pinapalaki mo naman ulo ko niyan eh. Sus, ikaw rin naman. Di ba Valedictorian ka nang magtapos ka ng high school? At ang alam ko pa, iskolar ka rin noong first year college ka? Iyon ang sabi sa akin ni Rafael eh. Anong nangyari?" tanong sa kanya nito.
"Simple lang ang dahilan ko: nagsawa na ako sa pagiging pressured at matalino. Pakiramdam ko lahat ng tao, ako lang ang tinitingnan. Lahat ng tao, mataas ang inaasahan sa akin. Kailangan laging mataas, laging top one, laging ikaw ang nangunguna sa klase. Ayoko na ng ganon. Pakiramdam ko nasasakal na ako. Parang lahat na lang ng tao binabantayan ang kilos ko. Kailangan ganito ang gawin ko, dapat hindi ganito dahil bawal sa isang tulad kong intlehente ang kumilos ng ganon. Pakiramdam ko robot ako na pinapagalaw na lamang ng kung sino," mahabang litanya niya. Sa loob ng mahabang panahon ay ngayon na lamang muli siya nakapaglabas ng sama ng loob sa isang kaibigan. Para sa kanya ay masaya na siyang maging isang pasaway. Ayaw na niya bumalik sa pagiging isang "robot". Para sa kanya, mas masarap at mas madali kung ang lahat ng ginagawa ng isang tao ay walang sinusunod na batas.
"Masaya ka ba... sa ginagawa mo? Sa tingin mo ba masaya ang mga tao sa paligid mo na nakikita kang ganayan? Ang mga magulang mo? Ang mga dati mong matatalik na kaibigan na ipinagpalit mo sa mga bago mo mga kaibigan mong pasaway? Ang mga taong naniniwala sa iyo? Sa tingin mo ba masaya sila na sinisira mo ang buhay mo?" malalim na tanong sa kanya ng kaibigan. Wala siyang nasabi kundi isang malalim na buntong hininga.
"Alam mo bang napakasuwerte mo Cris? Guwapo, matalino, mayaman, ano pang mahihiling mo? Ang kailangan mo na lang gawin ay gamitin ang mga bagay na meron ka sa mga makabuluhang bagay. Alam mo bang ilang tulad ko ang handang gawin ang lahat mailagay lang sa puwesto mo? Napakarami, Cris. Sobrang dami. Pakiramdam mo robot ka? Sus, napakasimple ng problema mo. Eh, di wag mong pansinin ang mga taong pumupuna at nagbabantay sa bawat kilos mo. Gawin mo kung ano ang sa tingin mo ay makakapagpasaya sa 'yo at sa mga tao sa paligid mo. Huwag mong sirain ang buhay mo. Bakit, tingin mo ba may mapupuntahan ang paglulustay mo ng pera sa alak, mga kapritso, mga babae mo? Third year college ka na, oy! You should act and think like one. Tingnan mo, pati ako napa-english na sayo!" mahabang litanya nito. Natawa siya sa huling tinuran nito.
"Pero kidding aside, alam mo Cris, huwag mong hintayin ang oras na pagsisihan mo ang lahat. Huwag mong sayangin ang bawat oras, pera at pagkakataon na meron ka. Hanggang maaga pa, magbago ka na. Sus, kung ako lang ikaw, napakasuwerte ko na! Naiintindihan mo na ba?" tanong nito sa kanya.
Napaisip siya. Ilang beses na ba niyang nakita ang mama niyang umiyak nang makita siya sa kulungan dahil sa nakipagsapakan habang lasing na lasing? Ilang beses na ba siyang pinakiusapan ng ama niya na magbago na siya at huwag pasamain ang loob ng mama niyang mayroong sakit sa puso? Ilang beses na ba siyang kinausap ng mga taong malalapit sa kanya upang tanungin siya kung ano ang problema niya? Ah, hindi na niya mabilang...
Tama ang kaibigan niya. Maraming beses na siyang nagkamali. Maraming bagay na siyang sinayang. Ngunit hindi pa huli ang lahat. Maaari pa siyang magabago. Maaari pang maitama ang lahat. At iyon nga ang gagawin niya. Kailangan niyang bumangon muli mula sa pagkakasadlak niya sa putikan. Kailangan niyang bumawi sa mga taong binigo niya. Ah, alam niyang kaya niya.
"Salamat Mar, ah. Kinailangan pa ng isang tulad mo para mabuksan ang isipan ko. Hayaan mo, susundin ko ang mga ipinayo mo. Tama ka. Puwede pa akong magbago... magsimula muli. Hindi pa huli ang lahat. Ang tanga ko ano? Ang dami… ang dami kong sinayang. Pero salamat talaga, pre... sa lahat-lahat." maramdaming wika niya sa kaibigan sabay yakap ng mahigpit rito na animo nasa isang pelikula sila.
"Yikes! Kadiri ka Cris! Si Ivy lang nag-iisang babaeng mahal ko! At hindi ako pumapatol sa girlalooo! Hala, alis! Yyyeee! Nakakasuka ka!" pakengkoy na wika nito sabay tawa ng malakas na animo wala ng bukas.
"Tado! Haha! Pero, seryoso, salamat ah?"
"Sus, wala iyon, ikaw pa? Malakas ka sa akin eh!" anito sabay tapik sa dibdib.
"Sige, tama na ang drama. Aalis na ako. Ako na rin ang mag-piprint nito. Sige, pre salamat sa lahat!" aniya sabay tayo at tinungo na ang pintuan.
"Sige ingat! Tandaan mo lahat ng bilin ni Daddy ah?" muling pagpapatawa nito.
"Oo ba! Ako pa?!" pakikisakay naman niya habang binubuksan ang pinto.
"Putang inang babae ka! Lumabas ka riyan! Ikaw, bespren ko? Pwe! Wala akong bespreng pokpok na malanding mahihinduting putang ina ka! Gaga ka! Maglalandi ka na lang asawa ko pang pilay? Pilay na nilandi mo pang gaga ka! Ganyan ka ba ka-kating pokpok ka?!
Nagulat siya sa narinig. Hindi pa tapos ang "sine" sa labas?
Gulat na napalingon siya sa kaibigan na nasa likuran lamang niya.
"Di pa tapos?" sabay na nawika nila. Napahalakhak na lamang sila nang malakas.